P-Noy dapat mag-sorry din sa taumbayan - Rep. Iggy
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo na hindi lamang sa taga-Hong Kong humingi ng paumanhin si Pangulong Benigno Aquino III kundi mas higit sa sambayanang Filipino.
Sinabi ni Rep. Arroyo, higit na dapat humingi ng sorry si Pangulong Aquino sa mga Filipino kaugnay ng naganap na hostage drama noong Lunes kung saan 8 Hong Kong nationals ang nasawi at napatay din ang hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza.
Wika pa ni Arroyo, dapat humingi ng paumanhin si Aquino sa mamamayan dahil hindi ito mahagilap sa kainitan ng hostage crisis kung saan ay ilang beses siyang tinawagan ni HK Administrator Donald Tsang.
“Inilagay sa kahihiyan ng hostage crisis ang bansa sa paningin ng buong mundo. At ang commander-in-chief ay hindi malaman ninuman kung nasaan man lamang,” ayon kay Rep. Iggy.
Aniya, lalong napatunayan ang kakulangan ng kaalaman at diskarte ni Aquino nang hindi nito kausapin sa telepono ang chief executive ng HK sa kainitan ng hostage crisis.
Sinabi ni Arroyo na may natatanggap na siyang mga ulat mula sa Hong Kong na mga domestic helper na tinanggal sa trabaho, mga Pilipinong ginugulo o binabastos sa mga pampublikong transportasyon at isang investor na hindi na itutuloy ang pagtatayo ng call center sa Pilipinas.
- Latest
- Trending