OFW sinibak ng employer sa HK!
MANILA, Philippines - Isang overseas Filipino worker (OFW) ang sinampolan na ng galit ng mga Tsino matapos na sibakin ng kanyang Chinese employer sa Hong Kong bilang kasambahay dahil sa naganap na hostage-taking noong Lunes.
Sa report ni Consul General Claro Cristobal sa Department of Foreign Affairs, ang OFW na tinanggal ay may isang buwan pa sana mananatili sa kanyang amo pero bigla umano siyang pinag-initan bunga ng pagkasawi ng 8 HK nationals na hostages.
Binanggit din ni Cristobal na dumadaing na ang karamihan sa mga OFWs sa HK na masama na ang tingin sa kanila ng mga among Tsino kaya nangangamba ang Konsulado na kapag hindi napahupa ang galit ng mga Chinese sa Hong Kong ay posibleng lumalim ang sitwasyon.
Siniguro naman ni Pangulong Aquino na bibigyan ng proteksyon ang mga OFWs na nasa Hong Kong.
Nakausap na niya si HK Administrator Donald Tsang at nakiusap siyang bantayan ang mga Pinoy mula sa pang-aabuso o pagmamaltrato bilang ganti sa nangyari sa mga HK nationals.
Magtutungo din sa Hong Kong at China sina Vice-President Jejomar Binay, DFA Sec. Alberto Romulo at Presidential Spokesman Edwin Lacierda upang personal na ipagkaloob ang resulta ng imbestigasyon sa naganap na hostage crisis.
Kahapon din ay tumulak na pabalik sa HK ang mga labi ng mga nasawing biktima, mga nasugatan at kanilang pamilya mula sa Maynila.
Bago ang repatriation na ginastusan ng pamahalaan ay nagsagawa ng send off ceremony sa NAIA sa pangunguna ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo bilang pagkilala at pakikiramay sa mga biktima at kanilang pamilya.
Nilinaw naman ng DFA na tanging ang HK government lamang ang nagpalabas ng “Black advisory alert” laban sa Pilipinas taliwas sa ulat na pitong bansa ang may travel advisory. (Ellen Fernando/Rudy Andal/Butch Quejada)
- Latest
- Trending