House arrest kay Lacson
MANILA, Philippines - Payag ang kampo ni dating Police Superintendent Cesar Mancao na i-house arrest si Senator Panfilo Lacson sa oras na sumuko ito o maaresto kaugnay sa kinakaharap na Dacer-Corbito double murder case.
Sa pahayag ng abugado ni Mancao na si Atty. Ferdinand Topacio sa Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan Sampaloc, hindi sila kontra sakaling bigyan ng katulad na treatment si Lacson na ipinagkaloob noon kay dating Pangulong Joseph Estrada dahil isa itong kilalang tao na may mataas na posisyon sa gobyerno.
Nanawagan din si Topacio sa senador na harapin na ang kaso kung talagang ang dahilan niya sa pagtatago ay ang panggigipit umano ng administrasyong Arroyo dahil kaalyado naman nito ang nakaupong si Pangulong Noynoy Aquino.
Nabatid kay Topacio na nasa isang safehouse na si Mancao, sa labas ng Metro-Manila na binabantayan ng ilang piling NBI agents.
Aminado si Topacio na may minor violation si Mancao sa terms and conditions ng Witness Protection Program (WPP) kaya humingi ito ng paumanhin kay Justice Secretary Leila de Lima at nangako na hindi na uulit.
Tiniyak pa ni Topacio na hindi magbabago ng testimonya si Mancao o hindi babawiin ang mga affidavit na nagsasangkot kay Lacson sa pagpatay kay Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito.
- Latest
- Trending