MANILA, Philippines - Siniguro ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na may paglalagyan ang mga abusado at kotong cops sa lungsod.
Inihayag ito ni Cayetano matapos umabot sa kanyang tanggapan ang diumano’y pangongotong ng isang pulis na nakatalaga sa kanyang opisina.
Ipinag-utos na ni Mayor Lani kay Taguig Police Chief Senior Supt. Camilo Cascolan na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso sa lalong madaling panahon.
“We will not tolerate any form of illegal activities by any member of the local police force or even members of PNP assigned to protect the Mayor or Her Office,” pahayag naman ni Team Cayetano spokesman at former councilor Atty. Darwin Bernabe Icay.
Isa pang insidente ang nangyari sa isang resto bar kung saan isang police major ang nagpaputok ng baril at inireklamo ng may ari ng establisimyento.
Personal na pinapuntahan ni Mayor Lani ang resto bar kahapon at tinawagan ang chief of police para sa pagsasampa ng reklamo at siniguro sa mga saksi na lalabas ang katotohanan. Hindi pa binanggit ang pangalan ng pulis habang nagkakaroon pa ng imbestigasyon.
Ang mabilis na aksyon ni Mayor Lani ay bunsod ng iba’t ibang ulat sa kanya na mayroong pulis na nagsasagawa ng pangongotong sa mga nakakalat na negosyo sa Taguig at ginagamit ang kanilang posisyon upang makakuha ng pera.
Kasabay nito, nanawagan si Mayor Lani sa mga vendor, jeepney at tricycle drivers na huwag magbayad at magreklamo kung may maniningil ng terminal fee o anumang fee na walang mapapakitang ordinansa, official order at resibo ng gobyerno.
Kasama ng panawagan ang warning sa mga empleyado ng city government na “one strike policy” kung saan ang mga mapapatunayang nangongotong ay tanggal agad sa pwesto at kakasuhan.