MANILA, Philippines - Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang Business One Stop Shop o BOSS laban sa talamak na ‘red tape’ sa pagkuha ng Business Permit para sa mga bagong magsasagawa ng negosyo.
Ayon kay Business Permits and License Office (BPLO) chief Pacifico Maghacot, nang dahil sa proyektong BOSS, mula sa mahigit 12 hakbangin na tatagal ng mahigit 30 araw ay naibaba ito sa tatlong hakbangin at isang araw para makakuha ng bagong Business Permit.
“The aim is to encourage the formalization of business and spur investment growth by reducing the time, cost and steps for new business registration at the city level,” paliwanag ni Maghacot.
Sinabi naman ni QC Mayor Herbert Bautista na ang proyektong ito ay tugon ng kanyang administrasyon sa panawagan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino na burahin ang ‘red tape’ sa pagkuha ng bagong Business Permit.
“When president P-Noy made his call for government to reduce the monster of red tape in business registration, we have been working at it. The project will eliminate red tape and corruption as it will lessen the number of interactions with the office”, ratsada ni Bautista.
Idinagdag naman ni Maghacot na tatlong rekisitos na lamang ang kailangan para makakuha ng bagong Business Permit gaya ng Barangay Clearance, DTI o SEC Registration at Tax Declaration ng lugar ng negosyo.