Bakasyon ni Angue binawi
MANILA, Philippines - Kinansela ang hinihinging bakasyon ng na-demote na si Navy Rear Admiral Feliciano Angue at sinuspinde rin pansamantala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglilipat ng puwesto sa kanya.
Ayon kay AFP Chief of Staff Lt. Gen. Ricardo David, ito’y habang isinasailalim pa sa imbestigasyon si Angue sa kasong ‘insubordination’ o pagmamatigas na sundin ang utos ng nakatataas nitong opisyal at pagsisiwalat ng karaingan sa mediamen sa halip na sa AFP Grievance Committee.
Una nang sinabi ni Angue na paano siya magkakaroon ng hustisya sa AFP Grievance Committee kung ang mga naglilitis dito ay mismong ang kaniyang mga inirereklamong opisyal na sangkot sa prostitusyon ng sistema ng promosyon sa AFP.
Isasailalim muna sa ‘receiving station’ ng Phil. Navy si Angue habang wala ring itinakdang palugit kung kailan matatapos ang imbestigasyon laban sa heneral.
Magugunita na pinalagan ni Angue ang pagtatapon sa kanya ng AFP sa Naval Forces Western Mindanao na ayon sa heneral ay isang demosyon dahil ang puwestong kaniyang hinahawakan bilang dating hepe ng National Capital Region Command ay pang-3 star rank gayong ang pinaglilipatan sa kaniya ay pang-1 star.
- Latest
- Trending