'Kristo' sa sabong, nurse sasabak sa Memory Olympics
MANILA, Philippines - Isang dating “kristo” sa sabong at isang nurse ang susubukan ang talas ng kanilang memorya sa pagsabak sa darating na 2010 Open International Memory Championships sa London, United Kingdom ngayon Agosto 26.
Umaasa si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, ang pangunahing tagasuporta nina Roberto Racasa, 35, dating kristo at Johann Randall Abrina, 28, nurse, na mabibigyan sila ng visa ng British Embassy upang makalahok sa naturang torneo.
Sa pulong balitaan, pinahanga nina Racasa ang mga mamamahayag nang maisulat nito ng wala pang isang minuto ang 10 tamang kumbinasyon ng mga barahang ipinasilip sa kanya. Pinahanga rin ng mga ito ang mga mamamahayag nang matukoy ang tamang araw ng kapanganakan ng isang naghamon sa kanila makaraang ibigay lamang ang petsa ng birthday nito.
Sinabi ni Racasa na napagyaman niya ang talento sa pagiging kristo sa sabong sa Marikina City sa loob ng anim na taon upang suportahan ang pag-aaral sa kolehiyo. Bilang kristo, kailangang matandaan umano niya ang 10-pataas na mananaya, ang kanilang mukha at ang kanilang taya upang hindi magkagulo sa singilan.
Sinagot naman ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ang lahat ng gastusin ng dalawang atleta upang makapagpartisipa ang mga ito sa naturang “Mental Olympics”.
- Latest
- Trending