Serbisyo ang ganti ko sa mga paninira - Mayor Lani
MANILA, Philippines - Bente kuwatro oras na serbisyo publiko ang ganti ni Taguig Mayor Maria Laarni “Lani” Cayetano laban sa patuloy na paninira ng mga nakalaban sa pulitika.
Ito’y kasunod ng mga pahayag umano ni dating mayor Freddie Tinga na lumalala na raw ang krimen at kalat ng basura sa Taguig.
Nilinaw ni Team Cayetano spokesman at dating konsehal Atty. Darwin Bernabe Icay na pinirmahan ni Tinga ang mga kontrata ng basura hanggang September kaya sakop pa ng kanyang pirma at kanyang mga piniling kontratista ang hakot ng basura sa kasalukuyan.
Ayon naman kay Taguig Police Chief Supt. Romeo Coscolan na dati ng nagsilbi sa kanila. hindi hamak na mas mababa ang crime rate ngayon sa Taguig sa ilalim ni Mayor Lani kumpara sa panahon ni Freddie.
Nabatid na iligal umanong ibinigay ng dating alkalde ang mahigit 200 sasakyan na kinabibilangan ng mobile clinics, mobile libraries, at tourist buses sa mga kakampi nilang barangay kaya wala umanong service ang city hall. Bukod pa riyan ang mga laptop computers at ibang gamit na ipinamigay o winala.
Sinimot din umano ang budget ng City Hall at halos ubos na ang P3 billion pondo dahil ginastos daw ito sa panahon ng eleksyon.
“Yung city hall burara ng dinatnan namin dahil puno na at barado ang septic tank, madumi ang mga banyo, sira ang mga aircon, sira ang mga computer, mesa, upuan, at iba pang gamit ng city hall. Ang malupit pa ay may illegal na koneksyon pala ng tubig ang city hall. Ni paper clip sa Mayors Office, wala kaming nadatnan,” pahayag ni Icay.
Idiniin ni Icay na under review na ng City Legal Team ang mga multi milyong piso na kontrata na pinasok ni Tinga, Vice Mayor Elias at ng City Council.
Magugunita na tinalo ni Mayor Cayetano si ex-Justice Dante Tinga, ama ni Freddie, nitong nakaraang eleksyon.
Ayon kay Icay, todo hataw na ang pagseserbisyo ni Mayor Lani lalo sa usaping kalusugan, edukasyon, hanapbuhay, at trabaho.
- Latest
- Trending