'Di ako namemeke - LTO Chief

MANILA, Philippines - Mahigpit na pinabu­laanan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres ang luma­bas na ulat kung saan ay iniuugnay umano siya ng isang opisyal ng pulisya sa pagpa-palsipika ng doku­mento ng isang Mitsubishi Pajero noong isang taon. 

Sinabi ni Torres na maaring ginagamit lang ang isyu ng mga taong nagnanais na sirain siya at tuluyang hadlangan ang mga pagbabagong nais niyang ipatupad sa kani­lang ahensiya.

“Hindi ako magtataka kung malaman ko na ang mga taong gumagawa ng isyu laban sa akin ay ang mga tao din na direktang naaapektuhan ng mga programang nais kong ipatupad sa LTO,” wika ni Torres. 

Kaugnay nito ay iti­nanggi niya ang bintang na nakipag-sabwatan siya sa dalawang iba pa upang ipalsipika ang papeles ng Mitsubishi Pajero (RJP-111) na siyang dahilan para sampahan siya ng kasong  falsification by public officer, employee under Article 171 ng Revised Penal Code noong district head pa siya ng LTO Tarlac noong May 7, 2009.

Kasama niyang inaku­sa­han sina Dimsy B. Yap, ng Upper Tomay La Trini­dad, Benguet at Sambel A. Fernandez, ng JD 202 Bayabas Pico, La Trinidad, Benguet. 

Sinabi ni Torres na walang katotohanan ang mga bintang laban sa kanya sapagkat ginam­panan lamang niya ang tungkulin ng isang opisyal ng ahensiya na aprubahan ang ginawang deed of sale sa pagitan ng bagong may-ari ng sasakyan na si Yap at ang nagbenta na­man na mag-asawang Arnel at Cherry Lou Sicat. 

Bago pa ito ay nagpa­kita din ng dokumento sina Sicat na binili nila ang Pajero mula sa isang Cristina Y. Macasaet sa halagang P500,000.00.

Ipinaliwanag pa ni Torres na binirepika nila sa lahat ng mga kina­uukulang ahensiya ang doku­men­tong isinumite sa opisina nila kabilang na ang PNP MV Clearance Certificate na kung saan ay hindi naman ito kasama sa listahan ng mga ninakaw na sasak­yan. 

Show comments