MANILA, Philippines - Umapela kay Pangulong Aquino ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na huwag bigyan ng espesyal na trato ang nagtatagong si Senador Panfilo “Ping” Lacson na sumuporta sa kanya noong eleksiyon.
“That should be condemned. There should be no political payback,” pahayag ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, chairman ng CBCP public affairs.
Hiniling din ni Bishop Iniguez na aksyunan agad ng gobyerno ang ulat sa paglitaw muli ng sindikatong Kuratong Baleleng.
Ayon sa military intelligence source, si Lacson ay maaari umanong nagtatago sa Ozamis at kinakanlong ng isang grupo na may kaugnayan sa Kuratong.
Si Lacson ang pangunahing suspek sa isang kilalang kaso ng pagpatay kung saan sangkot ang mga miyembro ng Kuratong.
Sa 36 na pulis na ina kusahang kasama sa Kuratong Baleleng case, may 27 ang ngayon ay nasa “active duty” pa din habang ang iba at nagbitiw sa tungkulin, nagretiro o kaya ay nakakulong dahil sa iba pang kaso ng pagpatay.
Si Lacson ang pinuno ng Task Force Habagat sa ilalim ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na umano’y dawit sa pagpatay sa 11 miyembro ng Kuratong Baleleng robbery gang noong Mayo 18, 1995.
Kinasuhan si Lacson dahil sa Kuratong murder case noong 1995 ngunit ito ay natabunan matapos na mawalan ng ganang tumestigo ang mga saksi, lalo na ng manalo ang dating boss ni Lacson na si dating pangulong Joseph Estrada noong 1998.
Matapos na siya ay manalo, hinirang ni Estrada si Lacson bilang pinuno ng PNP at ng dating Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Ang Kuratong Baleleng ay isang kidnapping group na umano’y nasa ilalim ng proteksiyon ng ibang opisyal ng pulis na nagdesisyon na kumalas sa grupo noong 1995.