MANILA, Philippines - May 28 overseas Filipino workers (OFWs) ang inaresto ng mga awtoridad sa Saudi Arabia dahil sa paglabag sa immigration laws at labor regulations.
Ayon sa report, kasalukuyang pinipigil ngayon ang 28 Pinoy na matapos ang crackdown sa mga dayuhang overstaying ng Saudi authorities.
Nabatid na hinuli ang mga OFWs na pawang nagtatrabaho sa Al-Rabwah at Umm Sulaim districts sa Riyadh.
Kabilang sa mga inaresto ay mga tumakas sa kani-kanilang sponsors, nagtatrabaho sa hindi nila sponsor at may mga pekeng dokumento.
Nagbabala na rin ang Passport Department ng Riyadh sa mga sponsor na kumukuha ng domestic workers na ilegal na nagtatrabaho na iwasan ang pagtanggap ng mga dayuhang manggagawa dahil sa seguridad at posibleng delikado sa kalusugan.
Una na ring sinabi ng Accredited Medical Clinics Association-Philippines (GAMCA) na nakakaalarma ang pagtaas ng bilang ng mga OFWs na nagtataglay ng sakit na human immunodeficiency virus (HIV).
Simula Enero hanggang Hunyo 2010, may 19 OFWs patungong Middle East kabilang na dito ang Saudi ang nagpositibo umano sa HIV na mas mataas kumpara sa 21 kaso ng HIV noong 2009.