LTO chief inireklamo sa DOJ
MANILA, Philippines - Inireklamo ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Cordillera sa Department of Justice si Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres at dalawa pang kasamahan nito matapos umanong palsipikahin ang dokumento ng isang Mitsubishi Pajero noong nakaraang taon.
Sa dokumentong nakuha ng PSN, ipinagharap ng kasong falsification by public officer, employee under Article 171 ng Revised Penal Code sina Torres na noo’y LTO district head sa Tarlac; Dimsy B. Yap, ng Upper Tomay La Trinidad, Benguet at Sambel A. Fernandez, ng JD 202 Bayabas Pico, La Trinidad, Benguet noong Mayo 7, 2009.
Nabatid na noong Abril 9, 2009, dakong alas-4:30 ng hapon, nag-dispatch ang PNP-HPG Anti-Carnapping Team ‘B’, intel operatives at Mobile 82 sa pamumuno ni P/Supt. Roland Aloo para sa isang routine surveillance kaugnay sa anti-carnapping, anti-hijacking at anti- highway robbery operation sa Baguio City at La Trinidad, Benguet. Habang gumagala ang mga ito ay naispatan nila ang isang Mitsubishi Pajero na may plakang RJP-111 na minamaneho ni Fernandez sa may Baguio General Hospital.
Ayon sa report, hiningan nila si Fernandez ng ‘certificate of registration’ (CR) at ‘official receipt’ (OR) ng Pajero ngunit napag-alamang hindi tumugma ang nasabing sasakyan sa modelo nito dahil ang CR ay 1990 samantala ang sasakyan ay 1998 model.
Isinama si Fernandez sa tanggapan ng CHPG at dito ay nabisto na ang sasakyan umano ay originally registered sa LTO Roxas, Isabela pero ang rehistro nito ay nailipat sa LTO Tarlac at binigyan naman ng personalized plate number na RJP-111 gayong hindi sila awtorisado magbigay ng nasabing plaka.
Sa ginawa pang mga imbestigasyon, nabatid ng HPG Cordillera na walang Pajero na narehistro sa LTO Roxas dahil lumabas sa record ng nasabing ahensiya na ang motor vehicle (MV) number 0232-0000000279 ng Pajero ay inisyu sa isang Honda motorcyle at nakarehistro sa isang Josefina Razon ng Victoria, Tarlac.
Lumilitaw na ang MV ng Pajero ay peke at ang registration nito ay null and void matapos marebisa na inilipat lamang ang records ng motorsiklo sa Pajero.
- Latest
- Trending