Verzosa pinagreretiro sa kanyang b-day
MANILA, Philippines - Hinimok kahapon ni House Speaker Feliciano “ Sonny” Belmonte si Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Jesus A. Verzosa na magretiro sa mismong araw ng kanyang kaarawan sa Disyembre 25 dahil sa tiwala at katatagan nito bilang hepe ng PNP.
Ang pahayag ni Belmonte ay kasunod sa anunsyo ni Verzosa na magreretiro nang mas maaga kasama ang mga mistah ng Philippine Military Academy Class ’76 bago ang kanilang takdang kaarawan.
Maging si dating Police Director at ngayo’y Pangasinan 2nd District Congressman Leopoldo Bataoil ang nagpahayag na magsisilbing magandang ehemplo ang mga police official sa gagawing “early retirement” upang mapagbigyan ang iba pang mas batang opisyal na mamuno sa PNP.
“Surely upon retirement, my batch will continue to make a difference in good governance be it in private or public office,” ayon kay Bataoil sa kanyang text message.
Kaugnay nito, sinabi ni Senator Francis “Chiz” Escudero na ikinalulungkot niya ang planong pagreretiro ng maaga ni Verzosa.
“Kung matatapos sana ang termino niya hanggang December, there will be continuity of reforms he has initiated in the PNP. Sayang pero commendable move that the Class 76 will retire as an act of selflessness,” ani Escudero.
Sa Pulse Asia survey, si Verzosa ay isa sa mga pinagkakatiwalaang opisyal sa Aquino administration nang makakuha ng 67 porsyentong approval rating.
Maging ang Catholic Bishops Conference of the Philippines ay naniniwala na maaaring mapakinabangan pa ni Pangulong Aquino ang talento at abilidad ni Verzosa matapos na magretiro.
“He should serve as an example for other holdover officials of the Arroyo administration,” ani Caloocan Bishop Deogracias Yniguez at CBCP chairman on public affairs.
- Latest
- Trending






















