MANILA, Philippines - Ikinabahala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na pabata ng pabata ang nasasangkot sa iba’t ibang karumal-dumal na krimen sa bansa.
Ayon kay Bishop Joel Baylon, chairman ng CBCP Commission on Youth, dapat na maging hamon sa mga magulang ngayon ang mapalaking maayos ang kanilang anak at maiiwas sa anumang uri ng mga bisyo.
Sinabi ni Baylon na ang mga magulang lamang ang dapat na sisihin sakaling maligaw ng landas ang kanilang mga anak at masangkot sa mga karumal-dumal na krimen tulad na rin ng sinapit nina Jason Ivler at Ivan Padilla.
Giit ni Baylon, dapat na tiyakin ng mga magulang na nasa tabi sila ng kanilang mga anak upang gumabay at lumaking may takot sa Diyos at moralidad. Hindi umano dapat na ipagkatiwala ng mga magulang ang kanilang anak kahit pa sa kanilang mga kamag-anak dahil iba pa rin ang aruga ng tunay na magulang.
Kadalasan ding nasasangkot sa mga kaso ay ang mga maimpluwensiyang pamilya dahil busog sa pera ang mga ito.
Matatandaan na noong Lunes ay napatay ng Makati Police si Ivan Padilla, ang lider ng Padilla carnapping syndicate sa bansa.