MANILA, Philippines - Good news sa mga adik na gusto ng magbagong buhay!
Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong isama sa coverage ng Philippine Health Insurance Corporation (PHIC) ang pagpapa-rehab ng mga lulong sa droga.
Sa Senate Bill No. 44 na inihain ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III, iginiit nito na amiyendahan ang Republic Act No. 7875, ang batas na nagbuo sa PhilHealth upang maisama sa coverage ang drug abuse at dependency treatment.
Ayon kay Sotto, isa sa malaking problema ng gobyerno ang dumaraming bilang ng mga adik pero hindi naman napapagtuunan ng pansin ang rehabilitasyon ng mga drug dependents.
Sa survey noong 2009, umaabot na sa 1.7 milyon ang drug dependents sa bansa at 2,000 lang ang nagpagamot at sumailalim sa rehabilitasyon.
Isa umano sa mga dahilan kung bakit hindi naipagamot ng kanilang mga kamag-anak ang mga adik ay dahil mahal ang rehabilitasyon.
Ani Sotto, kung maisasama sa coverage ng Philhealth ang pagpapagamot ng mga adik, marami ang matutulungan at mahihikayat na sumailalim sa rehabilitasyon.