MANILA, Philippines - Inatras na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang balak nitong itaas ang pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) bunsod na rin ng napakaraming pana wagan buhat sa mga pasahero.
Sinabi ni Undersecretary Dante Velasco, nagdesisyon sila na hindi na ipatupad ang “fare hike” upang hindi na madagdagan ang pabigat sa mga mahihirap na pasahero na siyang pangunahing tumatangkilik sa dalawang train system.
Hahanap na lamang umano ng ibang solusyon ang DOTC na pagkukunan para ipampuno sa subisidiya para sa operasyon ng MRT at LRT tulad ng pagpapalakas sa “advertising aspect” at pagpapaarkila ng kanilang mga espasyo para sa mga negosyante.
Sa kabila nito, kung hindi umano mapupunan ng mga alternatibong “non-rail income”, posible pa rin umano na magtaas sila sa pasahe ngunit magiging “minimal” la mang upang makayanan ng mga pasahero.
Matatandaang nitong Lunes ay naglunsad ng signature campaign kontra sa planong pagdaragdag sa pasahe ang daan-daang pasahero ng MRT na inilunsad ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan at National Council for Commuters Protection.
Una nang sinabi ng DOTC na ang planong fare hike sa MRT at LRT ay dahil sa pagkalugi ng pamahalaan dulot ng patuloy na pagbibigay ng subsidiya sa mga ito. Dapat sanang nasa P60 ang pasahe ngunit P15 lamang ang sinisingil dahil sa subsidiya ng gobyerno.