MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) na nahihirapan ito sa pagpigil sa maniobrang ginagawa ng cartel ng mga “pasaway” na flour millers na nagiging dahilan ng mataas na presyo ng harina.
Humingi ng pasensya ang DTI dahil hindi umano maipatutupad ang agarang pagbawas sa halaga ng harina sa kabila ng kautusan ng ahensya. Gayunman, tiniyak nito na patuloy na kakasuhan ang mga kompanyang sumusuway sa utos nitong tapyasan ang presyo ng produkto.
Apektado ang mga pangunahing bilihing tinatangkilik ng masa gaya ng pan desal at instant noodles. Naunang iniutos ng DTI na tapyasan ng hanggang P160 kada 25KG bag ang ibinebentang harina sa mga panaderya.
Noong nakaraang buwan ay sinampahan ng kasong “profiteering” o sobra-sobrang pagpapatong ng tubo ng Bureau of Trade Regulation and Consumer Protection (BTRCP), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), ang 11 flour millers kabilang na ang Universal Robina at Philippine Foremost Milling Corp.
Wika pa ng DTI, patuloy na mataas ang bentahan ng harina sa bansa sa kabila ng pagbulusok pababa ng presyo nito sa “international market.”
Sa kautusan noong Hunyo 11, inatasan ng DTI ang mga millers na i-rollback sa P630-P680 per 25KG bag ang “ex-mill price” ng ibinebentang harina sa mga panaderya at kumpanyang gumagawa ng instant noodles, mula sa kasalukuyang P770 – P790 per 25KG bag.
Ang rollback ay epektibo habang dinidinig ang kasong profiteering laban sa mga ito.
Ayon naman sa Philippine Flour Millers Association (PAFMIL), susunod sila sa direktiba ng DTI bagaman labag ito sa kanilang kalooban.
Hindi naman malinaw sa ngayon kung tumupad ang mistulang “cartel” sa harina sa bansa sa direktiba ng DTI matapos magsampa ng reklamo sa Manila Regional Trial Court ang Philippine Foremost Milling, pag-aari ng negosyanteng si Alfonso Uy, hinggil sa legalidad ng naturang direktiba.
Katwiran pa ng PAFMIL, “mali” umano ang batayan ng DTI sa pag-uutos ng rollback dahil kinuha nito ang ulat mula sa “Weekly Price Report” ng US Wheat Associates na nagbabago umano kada linggo at hindi naglalaman ng tunay na halaga ng bentahan ng harina sa international market.
Ayon naman kay DTI Usec. Zenaida Maglaya, ang naturang publikasyon din ang ginagamit ng mga flour millers bilang depensa sa mataas na benta nila ng harina.