MANILA, Philippines - Anumang araw ay posibleng lumipat na sa Bahay Pangarap si Pangulong Aquino.
Sinabi ni Col. Ramon Dizon, Presidential Security Group commander, tapos na ang renovation ng Bahay Pangarap na personal na pinangasiwaan ni Architect Manny Dimaculangan.
Wika pa ni Col. Dizon, magpapatupad sila ng mas mahigpit na security measures sa Malacañang Park sa sandaling lumipat na rito ang Pangulo.
Aniya, nakipag-ugnayan na rin ang PSG sa Philippine Coast Guard (PCG) upang ayudahan sila sa mas mahigpit na pagbabantay sa Pasig river kung saan ay may dumadaang mga pribadong barge at ferry sa may tapat ng Bahay Pangarap.
Pinili ni Pangulong Aquino na maging simple lamang ang renovation na dinagdagan lamang ng isang guest room at isang household room.
Inamin din ng PSG chief na mas mapapadali ang pagbibigay nila ng seguridad kay P-Noy kumpara sa pagtira nito sa Times Street, QC.