Nabulok na bigas ginawang fertilizer
MANILA, Philippines - Napakinabangan at hindi nasayang ang mga nabulok na bigas ng National Food Authority (NFA) dahil ginawa nila itong fertilizer.
Ito ang niliwanag ni Atty. Halil Al Rashid Lucman, director ng Industry Services Department ng NFA, bilang tugon sa binanggit ni Pangulong Aquino sa kanyang SONA na nabulok na mga inangkat na bigas.
Ayon kay Lucman, hindi naman umano sinadyang mabulok lang ang mga bigas kundi nabasa ang mga ito bunsod ng mga bagyong sumalanta sa bansa tulad ng “Ondoy”, “Pepeng” at “Frank”.
“Hindi naman nila tinatapon ang nabasang bigas eh… ibini-bid namin yan kaya nagiging para sa industrial use, nagiging fertilizer, pakain ng isda o pagkain ng whatever na hindi para sa konsumo ng tao,” paglilinaw pa ng opisyal.
Ipinagtanggol din ni Lucman ang mga ipinatupad na programa ng NFA sa ilalim ng pamamahala ni dating NFA administrator Jessup Navarro bagamat tumanggi itong magsalita kaugnay sa usapin ng sobra-sobrang importasyon.
Nilinaw nito na iniwasan lamang ng NFA na maranasang muli ng bansa ang naging insidente ng rice shortage noong 1984 na may sapat ngang pondo ang pamahalaan para maibili at mag-subsidized ng bigas ngunit wala namang mabili nito sa merkado.
- Latest
- Trending