MANILA, Philippines - Posibleng imbestigahan ng House Ethics Committee ang kasong drug trafficking na kinasasangkutan ni Ilocos Sur Congressman Ronald Singson kung ito ay maaapekto sa integridad ng Kamara.
Ito ang binigyan-diin ni Siquijor Rep. Orlando Fua ng Lakas-Kampi-Christian and Muslim Democrats na itinutulak na maging pinuno ng Ethics Committee at magsisiyasat sa mga maling gawain ng mga kongresista.
Ayon kay Fua, hindi nila maaaring ipagwalang bahala ang kaso lalo pa’t makaaapekto ito sa integridad ng Mababang Kapulungan at ng mga miyembro nito.
Tumanggi naman si Fua na pag-usapan ang aspeto ng kaso ni Singson na nahulihan ng 26.1 gramo ng cocaine at dalawang Valium noong Hulyo 11 sa Hong Kong International Aiport .
Maaring makulong si Singson ng lima hanggang walong taon sa HK.
Inihalimbawa din ni Fua ang kaso ni Zamboanga del Sur Congressman Romeo Jalosjos na nakulong sa salang panggagahasa noong 1997. Si Jalosjos ay pinatalsik sa Kongreso matapos na pagtibayin ng Korte Suprema ang desisyon ng korte.
Ayon naman kay House Speaker Sonny Belmonte, wala silang maibibigay na anumang tulong kay Singson bagama t tiniyak nito na magkakaroon ng due process sakaling imbestigahan ng komite.