Undersecretaries, consultants sa DepEd umaapaw
MANILA, Philippines - Nanawagan sa bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) ang unyon ng mga empleyado ng ahensya na tanggalin na ang mga sobra-sobrang consultants at co-terminus na empleyado na umuubos umano sa “savings” ng ahensya.
Sinabi ni Atty. Domingo Alidon, tagapangulo ng DepEd-National Employees Union, na nararapat na aksyunan ni Secretary Armin Luistro ang napakalaking bilang ng mga consultants at mga opisina na nadodoble lamang ang trabaho sa mga dibisyon ng ahensya. Ito umano ang dahilan ng pagkaubos ng “savings” ng DepEd na nakalaan sana sa benepisyo ng mga regular na empleyado tuwing sasapit ang Disyembre.
Tinawag nito na “excess baggage” ang sobra-sobrang mga undersecretaries at binuong mga opisina sa ahensya. Sa ilalim ng batas, apat lamang ang nararapat na bilang ng undersecretaries sa isang ahensya ngunit anim ang nasa DepEd.
Hindi naman itinanggi at hindi rin inamin ni DepEd Public Information chief, Kenneth Tirado ang ulat na higit sa 700 ang consultants na nasa central office kumpara sa 900 regular na empleyado nito. Ngunit sinabi ni Tirado na hindi lahat ng suweldo ng mga consultants ay buhat sa budget ng DepEd ngunit karamihan ay buhat sa “foreign grants” ng mga espesyal na proyekto na pinopondohan ng mga ito. (Danilo Garcia/ Nea Mirizma Gaspar, trainee)
- Latest
- Trending