MANILA, Philippines - Umaabot sa P7 milyong halaga ng smuggled steel bars na galling China ang nasabat ni Customs Commissioner Angelito Alvarez kahapon sa Port of Manila.
Ayon kay Comm. Alvarez, ito ang kauna-unahang kontrabando na nasabat ng BoC sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“President Aquino directed us to strengthen our campaign against smuggling. Simula ngayon hindi na natin papalampasin ang mga illegal na gawain,” wika pa ni Alvarez.
Aniya, kung nakalusot ang nasabing kontrabando ay aabot sa P2.1 milyon ang mawawala sa revenue ng gobyerno.
Wika pa ni Alvarez, nagreklamo sa kanila ang Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines (SASSMAPI) kaugnay sa nasabing illegal shipment.
Nagpasalamat naman sina SASSMAPI executive director Ramon Khu at vice-president Ramon Tan sa mabilis na pag-aksyon ni Comm. Alvarez.Natuklasan na ang nasabing kargamento ay nakapangalan sa NML Merchandise ng barangay Malaya St., QC. Natuklasan ng Enforcement and Investigation Services ng BoC na bogus ang nasabing kumpanya.