MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang kumpanyang Petron ang mananagot sa lahat ng gastos sa kasalukuyang clean-up operation na isinasagawa sa karagatang sakop ng Rosario, Cavite bunga ng oil spill.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Wilfredo Tamayo, maaring ipare-imburse sa nasabing kumpanya ang gastusin, alinsunod sa Oil Pollution Compensation Law.
Una nang umamin ang Petron na aksidenteng natamaan ng angkla ng kanilang barko ang underwater pipeline na naging dahilan ng oil spill sa nasabing lugar.
Kasabay nito, pinawi na rin ni Tamayo ang pangamba ng mga residente hinggil sa panganib na dulot ng tumagas na langis.
Nilinaw ni Tamayo na under control na nila ang tumagas na langis at kasalukuyang mopping-up operations na lamang ang ginagawa ng mga tauhan ng PCG.
Kaugnay nito, sinisimulan na rin ng PCG ang hakbang upang pigilan ang posibleng oil spill naman ng lumubog na liquefied petroleum gas o LPG carriers sa Bataan at sinisimulan na ang pagpapalutang ng dalawang carrier.
Kinumpirma rin ni Tamayo na sa kasalukuyan ay wala pang nakitang oil spill sa karagatan na sakop ng bayan ng Limay, Bataan.
Una na ring sinabi ni Coast Guard station commander Lt. General Geronimo Tuvilla na mayroon na silang response team na naka-standby sa oras na lumala ang sitwasyon sa Limay.
Nagtatag na rin ng task force ang PCG upang tiyakin na hindi na lumala pa ang sitwasyon sa lugar.
Idinagdag pa ni Tamayo, kumuha na sila ng salvor upang marekober ang tone-toneladang langis na laman ng dalawang oil tankers.