MANILA, Philippines - PInayagang makapag- piyansa ang nakakulong na si Senador Antonio Trillanes IV sa Makati Regional Trial Court kaugnay ng kinakaharap na kasong rebelyon.
Sinabi ni Atty. Reynaldo Robles, nagposte si Trillanes ng P150,000 piyansa nitong Huwebes ng gabi sa sala ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda na dumidinig ng kanyang kaso kaugnay ng koneksyon sa 2007 Manila Peninsula Hotel stand-off.
Una nang pinagbigyan ni Judge Alameda ang kampo ni Trillanes na makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan nito makaraang maghain ng “motion for bail” ang kanyang abogado.
Sinabi naman ni Robles na malaki ang paniwala nila na mapagbibigyan rin ngayon ni Judge Oscar Pimentel, ng Makati RTC branch 148 ang mosyon nila para makapagpiyansa kaugnay naman ng hiwalay na kasong kudeta bunsod ng Oakwood mutiny noong Hulyo 27, 2003.
“We don’t see any reason why Sen. Trillanes cannot post bail just like former ARMM governor Nur Misuari was allowed and there’s reason just to attend the opening session in Senate on July 26,” ayon kay Robles.
Una nang hiniling ng kampo ni Trillanes kay Judge Pimentel na bigyan siya ng permiso upang makadalo sa pagbubukas ng sesyon ng 15th Congress kung saan inaasahan na magbobotohan ang mga Senador sa bagong iuupong Senate President.
Magiging krusyal umano ang boto ni Trillanes dahil magiging ika-22 itong Senador kung makakadalo sa sesyon.
Nagkaroon ng bakanteng puwesto sa Senado dahil sa pagkakahalal kay Senador Benigno Aquino III bilang Pangulo habang nagtatago naman si Senador Panfilo Lacson.