MANILA, Philippines - Bunsod nang pagkabigong patunayan na sila ay kumakatawan sa marginalized sector, diniskuwalipika ng Commission on Elections ang dalawang nominado ng party-list group na Ang Kasangga Party-list.
Sa 12-pahinang resolusyon na may petsang Hulyo 7, diniskuwalipika ng Comelec First Division ang mga nominado na sina Teodorico T. Haresco at si dating San Carlos City, Negros Occidental Mayor Eugenio Jose V. Lacson, na umano’y mga kaalyado ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Nabigo kasi umano ang mga ito na patunayan na sila ay kumakatawan sa mga marginalized lalo na’t pareho silang kilalang namumuno sa malalaking korporasyon sa bansa.
Ang naturang desisyon ng Comelec ay pabor sa petisyon ng Kontra Daya, na kinabibilangan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Migrante, Courage, at Anakbayan, at nanalong party-list group na Alliance of Concerned Teachers.