MANILA, Philippines - Bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Noynoy Aquino na wakasan ang corruption sa bansa, naglunsad ng “giyera” si Bureau of Customs Commissioner Angelito “Lito” Alvarez laban sa talamak na smuggling.
Bukod sa paghabol sa mga smuggler, binalaan din ng bagong BoC chief ang mga name droppers at influence peddlers sa loob ng Aduana na ginagamit ang kanyang pangalan upang mabigyang pabor sa transaksiyon ng mga ito sa bureau.
Nabatid na tatlong araw pa lamang siyang nauupo bilang hepe ng Customs ay may mga napaulat na mga taong gumagalaw at umiikot umano sa ilang mga Customs stakeholders upang ipangalandakan na malakas sila o may linya sa bagong upong commissioner.
Puntirya rin ngayon ni Alvarez na maabot ang revenue target sa pamamagitan ng pagbusal sa tax leakages.
Magugunita na nanumpa sa tungkulin nitong Hulyo 6 si Alvarez sa harap ni Secretary Cesar Purisima upang pormal na palitan si Napoleon “Boy” Morales na sinaksihan ng mga opisyal at kawani nito, sa pangunguna ng BOC Employees Association (BOCEA) sa pamumuno ni Romulo “Rommie” Pagulayan na nagkasundong makikipagtulungan sa bagong upong commissioner upang maabot ang may P280 bilyones na revenue target para sa taong ito.
“We take cognizance of Comm. Alvarez’s pronouncement that he would attend to the needs and welfare of the rank and file and on that note, he can expect our full cooperation,” ayon kay Pagulayan, customs officer (COO) V na naka-assign sa X-Ray Unit.
Isang ceasefire naman ang idineklara ni Pagulayan laban sa mga negatibong publicity laban sa bagong upong commissioner.
Aniya, “It is very early in the day to engage in mudslinging and political hatchet job; let us give Comm. Alvarez the break that he needs,” sabi pa niya.