MANILA, Philippines - Dahil walang dumadalaw na kaanak, naging tulak na umano ng droga si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez matapos itong mahulihan ng isang kilong shabu sa loob mismo ng kanyang selda sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon.
Ayon kay NBP Director General Oscar Calderon, narekober kay Mayor Sanchez ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon na hinihinalang binibenta niya sa kapwa niya bilanggo.
Nakumpiska ang droga sa ilalim ng imahen ni Mother Mary nang magsagawa ng random checkup ang ilang kagawad ng NBP.
Base sa report ng Bureau of Corrections, positibo sa paggamit ng shabu si Sanchez, kung saan madalas itong tulala at hindi natutulog sa gabi na kinumpirma ng kapwa niya bilanggo.
Batay pa sa impormasyon, halos ilang taon na walang dumadalaw sa dating mayor at diumano’y hindi na rin ito naliligo.
Matatandaan hinatulan si Sanchez ng pitong beses na habambuhay na pagkabilanggo matapos nitong gahasain at patayin ang magkasintahan at estudyante ng UP Los Banos mahigit 10 taon na ang nakalilipas sa kanilang lugar sa Calauan, Laguna.
Samantala patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pamunuan ng NBP kung papaano nakakapagpuslit ng illigal na droga sa loob ng Bilibid na posibleng ilang mga empleyado ang sangkot dito kung kayat malayang nakakapasok ang shabu sa kalungan.