MANILA, Philippines - Hiniling kay Pangulong Noynoy Aquino III na siyasatin nito ang 5-year tax holiday na iginawad ng pamahalaan sa developer ng Harbour Center na nakakuha ng kontrata para sa pagpapaganda at pagsasaayos ng daungan.
Sa pamamagitan ni Atty. Ricky Gabrillo, kinuwestiyon ni Allan Ramos ang hindi pagkolekta ng buwis sa Harbour Center na ang nagmamantini ay ang R-II Builders construction na pag-aari ni Reghis Romero II.
Si Ramos ang complainant sa P6 bilyon Smokey Mountain scandal na ikinalugi ng pamahalan ng bilyun-bilyong piso.
Sinabi ni Garbillo na ang kanyang kliyente ay naghahanda na naman ng panibagong kaso laban sa R-II Builders at sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpahintulot sa mga ito na makalusot sa pagbabayad ng buwis.
Naipasok umano sa kategoryang Philippine Export Zone ang Harbour Center dahil sa export activity nito subalit nakarating sa kanilang kaalaman na pumasok na rin sa importation ang kompanya na lantarang paglabag sa pribiliheyo nito.
Kaugnay nito, hinamon ni Ramos si Pangulong Aquino na patunayan ang kampanya sa pagpapalakas ng buwis sa pamamagitan ng pagbawi sa tax holiday sa Harbour Center na umano’y napalawig pa ng limang taon bago ito mawalan ng bisa.