MANILA, Philippines - Isang Pilipino ang pinaniniwalaang kabilang sa mga namatay nang salakayin nitong Biyernes ng mga rebeldeng Taliban ang isang compound ng United States Agency for International Aid sa Afghanistan.
Sinasabi sa ulat na lima katao ang namatay matapos sugurin ng mga suicide bomber ang isang USAID compound sa hilagang Afghanistan.
Ayon sa ulat, nagsimula ang atake bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang pasabugan at butasan ng isang suicide car bomber ang pader ng compound na kinatatayuan ng Development Alternatives Inc., isang Washington D.C.-based na international consulting company na konektado sa USAID.
Tinatayang limang suicide bomber ang umatake sa gusali na ikinasawi at ikinasugat ng mga guwardiya at ibang tao sa loob.
Napatay naman sa pakikipagbarilan sa mga security forces ang mga rebelde.
Magkakataliwas ang mga ulat hinggil sa bilang ng mga nasawi pero sinasabi ng Cable News Network, Radio Free Europe at Los Angeles Times na isa sa mga namatay na dayuhan ay isang Pilipino.
Nakikipag-ugnayan pa ang Department of Foreign Affairs sa embahada ng Pilipinas sa Islamabad para kumpirmahin ang mga ulat.