MANILA, Philippines - Kasabay ng pagpasok ng bagong administrasyong Aquino, umapela ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lahat ng sektor na tulungan sila sa kanilang paglaban sa ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Dionisio Santiago, nakatakdang isulong sa pagbubukas ng 15th Congress ang ilang probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nais nilang isama sa naturang batas ay batay mismo sa mga aktwal na karanasan ng ahensya sa pakikipaglaban sa ilegal na droga.
Sinabi pa ni Santiago, may mga pagkakataong ang mga nahuhuli nilang nagtutulak ng ilegal na droga ay mga miyembro ng pamilya na kung saan ay napipilitang pasukin ang nasabing ilegal na gawain dahil na din mismo sa kawalan ng maayos na trabaho.
Dahil sa mga ganitong pangyayari, ayon pa sa opisyal, inirerekomenda niya na patawan na lamang ng mandatory community service ang mga mahuhuling nagtutulak ng droga lalo na ang mga mahuhuli sa unang paglabag.
Dagdag ng opisyal,sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ang kanilang ahensya sa iba pang sangay ng pamahalaan para sa pagsugpo sa bawal na gamot.
Nanawagan din si Santiago sa mga malalaking kumpanya na gampanan nito ang kanilang tungkulin sa lipunan sa pagtulong na masugpo ang operasyon ng ilegal na gamot sa bansa.
Hinikayat ng ahensya na tulungan sila ng pribadong sektor upang punan ang mga proyektong makakatulong upang maiwasan ang bawal na gamot tulad ng isports at iba’t ibang kumpetisyon.
Tulungan din anya sila ng malalaking kumpanya na makilahok sa mas ligtas ngunit epektibong paraan ng paglaban sa ilegal na gamot sa bansa.