MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga dadalo ngayon sa Aquino-Binay inauguration na magdala ng payong dahil hindi na kayang lagyan ng takip ang buong Quirino Grandstand.
Sinabi ni DPHW Undersecretary Romeo Momo, tanging ang nasa grandstand lamang ang may silungan at hindi rin kasama sa budget nila ang paglalagay ng mga tent sa harap ng Luneta Park subalit mayroon namang nakalaan na covered area para sa media sa harap ng grandstand upang mabigyan ng proteksyon sa ulan ang mga may dalang equipment.
Paliwanag naman ni Momo kung ulan lamang umano ay ligtas ang pupuwestuhan ng mga VIP basta huwag lamang umanong magkakaroon ng malakas na hangin.
Nilinaw din nito na inayos na ang DPWH ang mga delikadong lugar na tinukoy ng inaugural committee kayat siguradong safe na umano ang grandstand.
Subalit matapos ang inagurasyon ay muli nilang isasara ang grandstand upang ipagpatuloy pa ang rehabilitasyon.
Samantala, magkakaroon ng kalat kalat na pag-uulan ngayong araw ng inagurasyon at street party ni Aquino, ayon sa PAGASA. (Gemma Garcia/Angie dela Cruz)