MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang negosyante sa Commission on Election (Comelec) na aksyunan na nito ang kanyang petisyon na ipawalang bisa ang proklamasyon ng nanalong kongresista sa ika-3 distrito ng Albay.
Ayon kay Stephen Bichara, tinulugan umano ng Comelec en Banc ang petisyon na inihain niya laban kay Fernando Valejo Gonzales, nanalong kongresista ng ika-3 distrito ng Albay. Ayon sa petisyon ni Bichara, di umano Filipino si Gonzales kundi isang Español kaya wala itong karapatang manilbihan bilang kongresista.
Idinagdag pa ni Atty. Benedicto Buenaventura, abogado ni Bichara na naglabas ang Second Division ng Comelec ng resolusyon nuong Mayo 8, 2010 na nagdidisqualify kay Gonzales sa pagtakbo bilang kongresista dahil sa hindi ito Filipino. Ngunit umapela si Gonzales sa Comelec en banc.
Kaugnay nito, hinihiling ni Bichara sa Comelec na agarang bawiin ang pagkapanalo ni Gonzales at ideklara ang kalaban nitong si Reno Lim bilang siyang nagwagi sa nakalipas na halalan.