MANILA, Philippines - Inamin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nito kayang basta na lamang durugin sa giyera ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Sinabi ni AFP–Civil Relations Service (AFP-CRS) Chief Brig. Gen. Francisco Cruz Jr. na sa kabila anya ng puspusang operasyon ng militar at sunud-sunod na lider at miyembro ng Abu Sayyaf ang nalipol ng pamahalaan, panghuli rito ay si Kaiser Said Usman na may P1.2 M reward na naaresto sa Basilan kamakailan, ay patuloy na may sumisibol na panibagong pinuno habang aktibo pa rin ang recruitment ng mga bagong miyembro ng mga ito.
Binigyang-diin ni Cruz na upang maresolba ang problema sa Muslim extremist ay kailangang kilalanin ng pamahalaan ang kahalagahan ng pang-unawa sa ideolohiya ng terorista at kaisipan ng mga ito kung anong bagay ang nagbubunsod sa isang indibidwal para sumapi sa Abu Sayyaf at kung paano ang mga ito nakakakuha ng simpatiya partikular na sa mga sibilyan.
“A military based response is not enough to destroy Abu Sayyaf and other Muslim extremist groups in the country. It would need a comprehensive approach to confront an enemy whose roots have political, social and economic and psychological dimensions and whose ties with Al Qaeda and JI terrorist have not been cut off,” ani Cruz.
Sa tala ng AFP, halos nasa 400 pa ang aktibong miyembro ng ASG sa Sulu at Basilan kung saan ginawa na ng mga itong pagkakakitaan ang kidnapping for ransom.