MANILA, Philippines - Ang Bahay Pangarap ang napili ni President-elect Benigno Aquino III na kanyang magiging opisyal na tahanan matapos niyang manumpa bilang pangulo sa June 30.
Inihayag din ni PNoy na mag-oopisina siya sa Premier Guesto House kasama ang kanyang executive secretary sa halip na mag-opisina sa Malacañang.
Ang Malacanang ay magiging venue na lamang ng mga official functions at presidential events.
Sinabi ni Presidential Management Staff (PMS) chief Elena Bautista-Horn, handa silang ipaayos ang Premier Guest House kung dito nais mag-opisina ni PNoy. Katunayan sinisimulan na rin ang pagsasaayos ng Bahay Pangarap sa Malacanang Park. Aniya, kailangan lamang ang kaunting panahon dahil magpapagawa pa sila ng isang silid upang maging tutuluyan naman ng security nito.
Sinabi pa ni Horn, isasapinal na nila ng transition team ni PNoy ang magiging takbo sa inauguration nito sa June 30 na gaganapin sa Quirino Grandstand.
Samantala, tinanggap na ng transition team ni Aquino ang blue print ng transition report kabilang ang listahan ng mababakanteng 4,301 appointees na dapat punan ng Aquino government at ang 50,000 na bakante sa rank and file.
Ipinaliwanag pa ni Horn, kaya lumobo ang mga bakante sa rank and file ay dahil sa karamihan ay nagretiro, ang iba ay lumipat ng ibang opisina at ang iba naman ay nag-resign.
Samantala, inirekomenda naman ni Executive Secretary Leandro Mendoza na ideklarang special non-working holiday ang June 30 upang masaksihan ng buong bansa ang gaganaping inauguration ni President-elect Aquino.