MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni President-Elect Benigno “Noynoy” Aquino III na handang-handa na siyang sumabak sa trabaho bilang chief executive ng bansa sa sandaling makapanumpa na siya bilang ika-15 Pangulo ng bansa.
Sinabi ni incoming President Aquino sa kanyang media briefing matapos ang kanyang proklamasyon kahapon sa Kongreso, ang kanyang magiging miyembro ng Gabinete na magiging katuwang sa pagharap sa problema ng bansa ay nasa final stage na din.
“I am anxious and eager to start my work as President,” paliwanag pa ni Noynoy sa kanyang kauna-unahang media briefing bilang halal na pangulo.
Ayon kay Aquino, siguradong manunumpa siya bilang ika-15 Pangulo ng bansa sa June 30 kay Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales na idaraos sa Quezon Circle sa Quezon City.
Idinagdag pa ni Noynoy, wala pa ring pinal kung saan ang magiging official residence niya pero siniguro nitong hindi sa Palasyo ng Malacañang o sa Arlegui Mansion siya maninirahan. Tinitingnan din ang posibilidad na manirahan ito sa Bahay Pangarap sa Malacañang Park.
Naroroon sa proklamasyon ni Noynoy ang kanyang mga kapatid na sina Pinky, Ballsy, Kris at Viel sa podium subalit hindi naman pumanik dito ang kanyang girlfriend na si Valenzuela City Councilor Shalani Soledad na nakaupo lamang sa gallery.
Binigyang-diin din ni Aquino na hindi niya kukunin bilang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Lt. Gen. Delfin Bangit pero mananatili bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) si Director-General Jesus Versoza.
Nangako din si President-Elect Aquino na hindi siya magpapataw ng mga bagong buwis bagkus ay palalakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga tax evaders at smugglers.
Itutuloy naman niya ang conditional cash transfer program ni Pangulong Arroyo na isang behikulo upang matulungan ang mahihirap lalo ang nasa kanayunan.
Aniya, sa ilalim ng Aquino administration ay lalo niyang palalawakin ang coverage ng Philhealth upang masigurong mapapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap.
Ipinaliwanag pa ni Noynoy, layunin ng kanyang gobyerno na magkaroon ng sapat na trabaho sa bansa upang hindi na kailanganing magtungo sa ibang bansa ang mga OFW’s.
Aniya, alam niyang hindi kaagad makakamit ito kaya sisiguruhin muna niyang mabibigyan ng sapat na atensyon at proteksyon ang mga OFW’s na nasa ibang bansa.
Kasama ni President-Elect Noynoy na naiproklama kahapon ng National Board of Canvassers (NBOC) si Vice President-Elect Jejomar Binay.
Samantala, binasa naman ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang statement ng kanyang ama na si dating Pangulong Erap Estrada na nag-concede na kay Noynoy.
Binati ni Erap si Aquino dahil sa pagkapanalo bilang ika-15 Pangulo ng bansa at siniguro na tutulong siya sa administrasyon nito sa abot ng kanyang makakaya.
Sinabi pa ni Estrada na dapat imbestigahan pa rin ang sinasabing mga anomalya sa nakaraang May 10 automated elections na panawagan din ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr.
Pagkatapos na maiproklama si Noynoy ay agad na itong binantayan ng Presidential Security Group (PSG).
Sinabi din ni Aquino na babalasahin niya ang mga key positions sa PSG na magiging bantay nito bilang Pangulo ng bansa.
Nagpaabot naman kaagad ng pagbati kay Aquino ang Malacanang sa pamamagitan ni Executive Secretary Leandro Mendoza at binati din si Noynoy ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP). (May dagdag na ulat nina Doris Franche at Mer Layson)