MANILA, Philippines - Natapos na ang pagdurusa ng 67 OFW’s na stranded sa Kuwait matapos makauwi ang mga ito sa bansa kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang 67 Pinoy workers na dumating ay ang unang batch mula sa halos 300 OFWs na kasalukuyang stranded at kinalinga ng welafre at embassy officers sa Kuwait para sa serye ng isasagawang repatriation ng pamahalaan.
Ang 67 OFWs ay sinamahan pauwi ni Welfare Officer Marnie Halanes sakay ng Emirates Airways flight EK-334 mula sa Kuwaiti Airport. Sila ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport terminal 1 dakong alas-10:35 ng gabi noong Lunes at sinalubong ng mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, mula sa kabuuang bilang ng mga umuwing OFWs ay 40 sa kanila ay pinatuloy muna sa OWWA Halfway House bago ang pagpapauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Matagal namang nanatili sa Filipino Workers Resource Center (FWRC) ang mga OFW’s hanggang sa sagutin ng Kuwaiti government ang kanilang plane ticket sa pakikipag-ugnayan na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait Ministry of Interior upang igiit ang mga karapatan ng mga OFWs.