MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni AFP chief Delfin Bangit na huwag insultuhin ang institusyon gayundin ang mga opisyal ng AFP kasabay ang pag-amin na demoralisado sila matapos mabigong makumpirma ng Commission on Appointments (CA).
Sinabi ni Gen. Bangit, naging professional ang mga sundalo sa nakaraang eleksyon at pinatunayan na mali ang agam-agam na siya ay iniluklok ni Pangulong Arroyo upang palawigin ang termino nito.
Aniya, ipinakita ng AFP ang kanilang professionalism ng tumulong sa Comelec para maging tagumpay ang May 10 elections.
““It will be very good if you will treat the Armed Forces with dignity and honor, our capital, our contribution to this nation is our life, our dignity and our honor,” wika pa ni Bangit.
Kahapon ay pinulong ni Bangit ang may 301 pang demoralisadong mga senior officers ng AFP na kinabibilangan ng 3 Lieutenant Generals, 11 Major Generals, 40 Brigadier Generals at 247 Full Colonels na bakas sa mga mukha ang matinding panlulumo.
Sinabi naman ni Lt. Col. Arnulfo Burgos Jr. sa media briefing sa Malacañang, susunod sa chain of command ang mga sundalo dahil ito ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Wika pa ni Col. Burgos, nananatiling high morale pa din ang mga sundalo matapos makausap ito ni Gen. Bangit kahapon lalo ang 301 officers na hindi din nakumpirma ng CA.
Sinabi pa ni Burgos, handa ang AFP na magbigay ng briefing kay Sen. Aquino sa sandaling naisin nito.
Ayon kay Burgos, nagpadala na rin ng liham si Gen. Bangit kay Sen. Noynoy subalit tumangging sabihin ang nilalaman nito.
Iginiit pa nito, hindi magbibitiw si Bangit sa kanyang posisyon dahil nananatili itong chief of staff ng AFP batay na rin sa kautusan ng commander in chief na si Pangulong Arroyo hanggang sa June 30 at nasa desisyon na lamang ni Sen. Aquino ang kapalaran ni Bangit.