MANILA, Philippines - Kinontra kahapon nina Sen. Francis Escudero at Sen. Francis Pangilinan ang panawagan ng mga Obispo na tanggalin na ang pork barrel ng mga mambabatas pagpasok ng bagong pamunuan ng gobyerno.
Sinabi nina Escudero at Pangilinan na dapat manatili ang mga pork barrel dahil napapakinabangan naman ito ng mga mamamayan.
Nakakatanggap ng P200-M bawat taon ang mga senador habang P70-M naman ang mga kongresista sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sinabi pa ni Escudero na dapat ipatupad na lamang ang line budgeting para maiwasan ang corruption sa mga pork barrel.
Aniya, sa line budgeting lahat ng mga pinamili ay nakasaad dito para mapag-aralan kung naging kasangkapan ito sa kurapsyon.
Magugunita na nanawagan ang mga Obispo sa bagong pamahalaan na tanggalin ang pork barrel dahil nagiging instrumento lamang ito sa corruption.
Ang pork barrel din ang ginagamit ng mga mambabatas para manatiling malakas sila sa mga lokal na opisyal.