MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang mga artista na nais maging pulitiko na mag-aral muna bago tuluyang sumabak sa larangan ng pulitika.
Pahayag ito ni Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kasunod nang pagdami ng mga artistang nais maging pulitiko, at gayundin sa ulat na bukod sa talk show host na si Boy Abunda ay plano rin umano ni president apparent Noynoy Aquino na ipuwesto sa kaniyang administrasyon ang mga sikat na artistang sina Dingdong Dantes at Ogie Alcasid.
Ipinaliwanag naman ni Cruz na hindi madali ang pagpasok sa politics at governance kaya’t dapat na maging handa ang mga artista.
Isang magandang halimbawa aniya ay si Ai-ai delas Alas na may balak na lumahok sa pulitika sa taong 2013 ngunit ngayon pa lamang ay nag-aaral na upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa public service. Si Ai-ai ay kasalukuyang naka-enroll sa University of the Philippines (UP) upang mag-aral ng public administration.
Anang arsobispo, hindi naman siya nababahala sa pagpasok ng mga artista sa pulitika at hindi rin niya minamaliit ang kakayahan ng mga ito, dahil marami na rin naman sa mga ito ang sumabak sa pulitika at nakagawa ng mabuti sa kanilang nasasakupan tulad aniya nina Ronald Reagan at Arnold Schwarzenegger.
Gayunman, kung siya aniya ang tatanungin ay mas nais pa rin niyang mamuno sa pamahalaan ang mga taong may karanasan at napatunayan na ang kakayahan.
Tulad na lamang aniya sa Department of Tourism (DOT), kung saan mas nanaisin niyang makita ang isang Richard Gordon, na napatunayan na ang kahusayan, kumpara kay Abunda, bagamat naniniwalang “capable” din naman ang huli sa puwesto.
Napaulat na inaalok ni Noynoy si Abunda ng puwesto sa kaniyang pamahalaan ngunit tumanggi naman umano ito.