MANILA, Philippines - Kumilos na kahapon ang Department of Foreign Affairs upang matulungan na mapauwi ang mga anak ng mga manggagawang Pinoy na nakatakdang ipa-deport mula sa Israel.
Sa report ni Ambassador Petronila Garcia ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv sa DFA, nagbigay na umano ng katiyakan ang Israeli Foreign Ministry na ang “imminent deportation” sa mga anak ng mga OFWs ay isasagawa sa makataong pamamaraan.
Sinabi pa ni Garcia hindi pa pinal ang deportasyon dahil nakabinbin pa ang pinal na desisyon ng Ministerial Committee ng Israel ukol sa kaso ng mga batang anak ng mga OFWs.
Sa ilalim ng Israeli law, kapag nabuntis o nanganak ang isang foreign o migrant worker sa Israel ay kailangan lisanin nito ang naturang bansa kasama ang bata o maaari namang maiwan ang OFW sa Israel upang maipagpatuloy nito ang kanyang trabaho subalit ang anak niya ang ipa-dedeport pauwi sa Pilipinas.
Una nang plano ang deportasyon sa mga anak ng OFWs noong August 2009 subalit naantala dahil na rin sa mga kaguluhan at pagpoprotesta ng mga aktibistang Israeli.