Ginastos ng nanalong party-lists bubusisiin

MANILA, Philippines - Maaari pa rin umanong madiskuwalipika ang mga party-list group na nanalo sa katatapos na halalan noong Mayo 10 at naiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, kung mapapatunayan ng poll body na lumampas ang mga ito sa spending limit na itinakda nila.

Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, hindi rin papayagan ng poll body ang mga kinatawan o nominado ng mga naturang overspending party-list groups na maupo sa puwesto kung malaki ang ginastos ng mga ito sa eleksiyon.

Ipinaliwanag ni Melo na hindi maaaring masabing “marginalized” ang mga ito, kaya’t dapat lamang aniya na sila ay madiskuwalipika.

Sa ilalim ng Comelec Resolution 8944, ang mga kandidato na walang suporta ng political party ay maaaring gumastos ng P5 kada botante.

“Kapag malaki ang kanilang ginastos, how can you call them marginalized,” ayon kay Melo.

Sinabi ni Melo na pag-aaralan nila ang mga isusumiteng statement of all contributions and expenditures ng lahat ng mga kumandidato sa katatapos na halalan, upang matukoy kung gaano kalaki ang nagastos ng mga ito sa kanilang kampanya.

Hanggang Hunyo 9 lamang ang ibinigay ng poll body sa mga kandidato, political party, at party-list groups upang isumite ang kani-kanilang statement.

Alinsunod sa Comelec Resolution 8944, ang sinumang nanalong kandidato na bigong magsumite ng statement ay hindi papayagang makaupo sa puwesto.

Ang pagkabigong magsumite ng naturang dokumento ay isang administrative offense na may katapat na parusang multa na mula P1,000-P30,000, habang ang paglabag naman sa spending limit ay isang election offense na may parusang disenfranchisement, disqualification sa anumang puwesto sa pamahalaan at pagkakulong ng hanggang anim na taon.

Show comments