MANILA, Philippines - Matapos ang ilang taong pag-aantay, inaprubahan na rin ng Santo Papa ang hiling ng mga deboto ng Our Lady of Guadalupe dito sa Pilipinas, kasama na ang mga pari at madre, na gawing national shrine ang simbahan nito na matatagpuan sa Orense st. Makati.
Alas singko mamayang hapon (May 31), sa pangunguna ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales kasama ang ilang obispo at mga pari, uumpisahan ang dedikasyon ng simbahan ng Our Lady of Guadalupe bilang isang ganap na national shrine sa pamamagitan ng isang misa.
Inaasahang marami deboto ng nasabing imahe mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang dadalo sa seremonya kung kaya’t isasara pansamantala ang ilang bahagi ng Orense street sa naturang lungsod.
Ang Our Lady of Guadalupe ay mas kilala sa tawag na Virgen de Guadalupe na nagmula sa Mexico City. Taong 1547 nang magpakita ang Mahal na Birhen kay San Juan Diego, isang native at magsasaka sa lugar.
Nais daw kasi ni Mama Mary na patayuan siya ng isang simbahan sa lugar na iyon na isang bulubunduking distrito ng Mexico na kung tawagin ay Guadalupe.
Kaagad namang ipinarating ni San Juan Diego ang mensahe sa obispo ng mga panahong iyon. Hindi naman kaagad naniwala ang obispo at humingi ng ebidensiya sa kanya na katunayang nagpakita nga ang Mahal na Ina sa kanya.
Kaya, noong Disyembre 12, 1547, alas dose ng tanghali inutusan ng Mahal na Birhen si Juan Diego na mamitas ng mga rosas at ilagay sa kanyang “tilma” (uri ng damit ng mga kalalakihan sa Mexico noon) at siyang ipakita sa obispo.
Laking gulat ng obispo nang buksan ni Juan Diego ang kanyang ”tilma” dahil ang imahe ng Virgen De Guadalupe ay nagbakat na sa kanyang kasuotan. Hanggang sa mga panahon ngayon ay na-preserve ang nasabing kasuotan na may imahe ng Our Lady of Guadalupe at nakalagay sa may altar ng naturang basilica.
Ang Virgen de Guadalupe ay patron ng mga sanggol na hindi pa isinisilang, mga may malubhang karamdaman, ng mga matatanda, at ng mga may pangangailangan.