MANILA, Philippines - Hindi pa man proklamadong nanalo sa May 10 elections si presidential frontrunner Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ay binisita na ito ng Chinese envoy na si Ambassador Liu Jianchao sa kanilang tahanan sa Quezon City.
Personal na nagtungo kahapon sa Aquino residence sa Times St., QC si Amb. Jianchao at nakipag-usap kay Sen. Aquino para palakasin ang RP-China relations.
“We talked about our future relations. China is very much looking forward to working with the new administration for a very comprehensive and fruitful ... cooperation between our two countries and to promote also the friendship between our two peoples,” sabi ni Jianchao matapos makipag-usap kay Aquino.
Sinabi naman ni Aquino na napag-usapan rin nila ni Jianchao ang gagawing paglaban sa drug trafficking.
Natalakay naman sa pag-uusap ng Chinese envoy at Noynoy ang tungkol sa NBN-ZTE deal controversy.
Naunang bumisita din kahapon ng umaga kay Aquino sa tahanan nito si Japanese Ambassador Makoto Katsura.