MANILA, Philippines - Sinisikap na ng Department of Foreign Affairs na masagip sa takdang pagbitay ang isang OFW sa Saudi Arabia.
Ayon kay DFA Undersec. for Migrant Workers Affairs Esteban B. Conejos Jr., nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Saudi government upang makakuha ng clemency ang Pinoy na si Joselito Zapanta na nakapatay sa kanyang Sudanese landlord noong Hunyo 2009.
Bukod sa kahilingan ni Pangulong Arroyo kay Saudi King Abdullah bin Aziz Al Saud na sagipin si Zapanta, tubong Pampanga sa bitay ay nakapaghain na rin ng apela ang lawyer na inatasan ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Umapela rin ang DFA na itigil muna ang mga negatibong pagpapalabas ng mga isyu patungkol sa kaso ni Zapanta dahil maaaring makaapekto sa tsansa nitong makakuha ng kalayaan o kaya ay mapababa ang sentensya.
Ito’y matapos ang paglutang ng kapatid ni Zapanta na si Rosemay na nagsabing ginugulpi ng mga kapwa preso ang kanyang kapatid sa loob ng Malaz Central Jail.
Ang pagpatay ay inamin umano ni Zapanta dahil sa pagtatanggol sa sarili matapos na gulpihin siya ng Sudanese landlord dahil sa hindi pagbabayad ng renta ng bahay.