Payo kay Noynoy: 'Itigil na ang yosi!'
MANILA, Philippines - “Quit smoking!”
Ito ang payo ng isang Catholic bishop kay soon-to-be president Senator Noynoy Aquino, upang maging mabuting ehemplo umano ito sa mga kabataan.
Ayon kay Occidental Mindoro Apostolic Vicariate Bishop Warlito Cajandig, miyembro ng Episcopal Commission on Health ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat tularan ni Aquino si US President Barack Obama na tumigil na sa paninigarilyo matapos na mahalal bilang pangulo.
Sinabi ng obispo na mahalaga ang pagbabago ni Aquino para sa mga kabataan, dahil dapat aniyang bilang susunod na pangulo ng bansa ay maging mabuting ehemplo siya ng mga ito.
Ayon kay Cajandig, na-overcome ni Obama ang paninigarilyo upang maging modelo ng mga kabataan sa pagkakaroon ng magandang pangangatawan at maayos na kalusugan.
Sinabi ni Cajandig na hindi magiging epektibo ang kampanya ng pamahalaan na mapatigil sa paninigarilyo ang mga kabataan kung ang mismong lider nito ay naninigarilyo.
Sinabi din ni Cajandig na walang magiging epekto sa mga naninigarilyo sakaling maglagay pa ng masamang epekto ang mga tobacco company sa kaha ng sigarilyo.
Aniya, naniniwala umano siya na nasa taong naninigarilyo kung nais itong itigil ang paninigarilyo at kung ayaw nitong tangkilikin ang sigarilyo.
Wala umano itong ipinag-iba sa droga na hahanap-hanapin ng isang taong gumagamit sa kabila ng masamang epekto nito sa kalusugan.
Mas naniniwala umano si Cajandig na mas dapat na magmula sa mga tobacco company ang ang pagbabago kung saan mas dapat na pagkain na lamang ang kanilang gawing negosyo sa halip na sigarilyo.
Maraming tao ang mahilig kumain at mas tatangkilin umano ito dahil mas marami ang benepisyo sa katawan kumpara sa sigarilyo na nakakasira ng pangangatawan
Ganito rin ang pananaw ni Health Secretary Esperanza Cabral na nagsabing hindi lamang ang kalusugan ni Noynoy ang nanganganib sa paninigarilyo kundi maging ang kanyang seguridad sa sandaling manirahan na ito sa Malakanyang.
Batay umano sa pahayag ng isang anti-smoking advocate, sinabi ni Cabral na mahihirapan ang mga security ni Aquino na bigyan ito ng seguridad sa tuwing ito ay maninigarilyo sa labas ng Palasyo.
“Kaya sabi ng isang anti-smoking advocate maawa siya sa PSG, mahirap siyang i-secure kung lalabas siya 10 meters away from the building sa Malacañang,” ani Cabral.
Sa ilalim ng RA 9211 at sa Civil Service Commission, ang paninigarilyo ay paglabag sa office rules and procedures.
Ipinaliwanag ni Cabral na nakasaad sa batas na maaaring ipagbawal kay Aquino ang paninigarilyo sa loob at maging 10 metro ang layo mula sa Malakanyang.
Idinagdag pa ng DOH chief, dapat ipakita ni Noynoy bilang lider na dapat ay marunong siyang mangalaga sa kanyang kalusugan upang siya ay pamarisan ng 90 milyong Filipino.
Madalas na sinasabi ni Aquino na madadagdagan ang kanyang stress at maapektuhan ang kanyang desisyon sakaling itigil niya ang paninigarilyo.
Gayunman, sinabi nito na ititigil niya ang paninigarilyo sa tamang panahon.
- Latest
- Trending


















