MANILA, Philippines - Nagbabala si dating Solicitor General Frank Chavez na malamang na mawalan ng saysay ang hangarin ni presidential frontrunner Sen. Noynoy Aquino na maalis ang katiwalian sa gobyerno kung papayagang makapasok ang mga galamay ng The Firm (Villaraza Cruz Marcelo and Angcangco Law Office) sa Noynoy Administration.
Ayon kay Chavez, dalawa sa kilalang partner ng “The Firm” na sina dating Defense Secretary Avelino “Nonong” Cruz, Jr. at dating Ombudsman Simeon Marcelo ay hindi umano umakto nang batbatin ng eskandalo ang Arroyo Administration.
Idinagdag niya na inupuan lang umano ni Marcelo ang plunder charges na isinampa niya laban kay Arroyo ng dalawang taon at nag-inhibit nang magpasya siyang isampa ang petisyon.
Nagwarning si Chavez na huwag hayaan ni Noynoy ang “The Firm” na magkalat ng lagim nito sa illegal na mga transaksiyon sa gobyerno matapos mapabalitang may galamay muli umano ang The Fim sa loob ng papasok na Noynoy admin.
Ang Villaraza Cruz Marcelo and Angcangco Law Office ay tinaguriang “The Firm” dahil umano sa kanilang impluwensiya.
Ilang partners ng “The Firm,” kabilang si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, ang nagsilbi bilang legal counsel nina dating pangulong Fidel V. Ramos at Presidente Arroyo.
“They have used their influence in the past administration and now they are very noisy and positioning themselves so they can re-insert themselves in the administration of Noynoy,” sabi ni Chavez.
Ilang sources sa legal circle ang nagsabi na gumagamit ang “The Firm” ng tinatawag na “three-pronged formula” na nakatulong sa kanila upang maging pinakamalaki at pinakamalakas na law office sa bansa.
“The firm goes beyond law practice by penetrating the government and through this, they strengthen, enhance and magnify the law office,” sabi pa ng insider.
Sa pamamagitan nito, naging pinakamayaman at pinakaimpluwensiya ang “The Firm” base sa bilang at kalidad ng mga kliyente nito.
Mula sa limang abogado noong 1980, mayroon nang 70 abogado ang “The Firm.” Nakatakda na silang lumipat sa sarili nilang gusali sa Fort Bonifacio Global, Taguig City.