Cocaine nagkalat pa rin
MANILA, Philippines - Kalat pa rin ang cocaine sa iba’t-ibang lugar sa bansa bunga ng walang humpay na bentahan nito ng ilang indibidwal na sangkot sa pagtatago ng bahagi ng 2 toneladang cocaine na itinapon ng Chinese vessel sa karagatan ng Samar.
Ito ang ipinahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasabay ng panawagan sa taumbayan na maging vigilante upang agad na masawata ang pagkalat ng nasabing droga.
Ayon kay PDEA Director Gen.Sr.Usec.Dionisio R.Santiago, dahil sa pangyayari ipinapatupad na ng kanilang ahensya ang mahigpit na kampanya laban dito bunga na rin ng mga nakumpiska nilang cocaine bricks na parte ng drogang itinapon ng mga tripulante ng Chinese vessels sa baybayin ng Eastern Samar noong December 2009.
Sa ulat ng PDEA, mula December 22, 2009, may 395.993 kilograms ng cocaine ang kanilang narekober katulong ang drug enforcement law ng PNP, NBI at AFP.
Isinagawa din ang dalawang beses na pagwasak sa mga nakumpiskang mga iligal at mapanganib na droga noong Dec. 24, 2009 at February 11, 2010 kung saan sinunog ang may 294.716 kilograms ng cocaine.
Ang mga narekober na droga ay nakuha sa pamamagitan ng buy-bust operations at implementasyon ng search warrants o boluntaryong pagsasauli ng ilang taumbayan tulad ng mga mangingisda na siyang nakadiskubre nito sa ilang mga lugar.
Gayunman, nalulungkot si Santiago dahil marami pa rin sa mga mamamayan ang nagtatago ng cocaine sa pag-asang maiaahon sila nito sa kahirapan, gayong ang kahihinatnan nito sa kanila ay kaparusahan.
Kaya naman muling nanawagan si Santiago sa mga may hawak pa ng cocaine bricks na makipagtulungan at kusang isuko ang nasa kamay nilang mga iligal na droga upang hindi na humantong pa ito sa pag-aresto.
- Latest
- Trending