MANILA, Philippines - Maaring kasuhan ng Smartmatic sina Sen. Jamby Madrigal at Nicanor Perlas matapos pakialaman ang mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na ginamit sa halalan.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, kung may kuwestiyon sina Perlas at Madrigal sa resulta ng eleksyon, dapat nila itong idulog sa Comelec upang maimbestigahan. Hindi umano nila dapat na pakialaman ang kagamitan para lamang masagot ang kanilang alegasyon.
Naninindigan ang Comelec na malabo ang alegasyong pandaraya o iregularidad base na rin sa resulta ng ginawang random manual audit kung saan lumalabas na tama ang pagbilang ng PCOS sa mga boto.
Ipinapaubaya na ng Comelec sa Smartmatic ang pagsasagawa ng kaukulang hakbang laban kina Madrigal at Perlas.
Naniniwala ang mga natalong kandidato na posibleng nagamit sa umano’y pandaraya ang mga nasabing makina.