MANILA, Philippines - Nanumpa kahapon ng umaga kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Chief Justice Renato Corona sa Malacañang subalit itinago ito sa media.
Wala rin sa official schedule ni Pangulong Arroyo na ipinapadala sa media ang ginawang panunumpa ni Corona bilang ika-23 chief justice ng Korte Suprema.
Kasama ni Corona ang kanyang pamilya ng manumpa ito kay Pangulong Arroyo bilang kapalit ng nagretirong si Chief Justice Reynato Puno.
Ang ikinatwiran lamang ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar ay ang protocol ang namahala sa nasabing event.
Umani ng kontrobersya ang ginawang pagnombra ni PGMA kay Corona at mariing tinutulan ito ni Sen. Noynoy Aquino dahil nais niyang ipaubaya na lamang ang pagtatalaga ng kapalit ni Puno sa susunod na Pangulo.
Iginiit naman ng Malacanang na dapat igalang ni Aquino ang pagnombra ni PGMA kay Corona dahil ito ay nasa batas at kinilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Pangulo na magtalaga ng magiging kapalit ni Puno sa pagreretiro nito.
Sinabi pa ni Atty. Maidas Marquez, SC administrator, sakaling hindi kilalanin ni Aquino ang liderato ng SC ay mangangahulugan ito ng constitutional crisis at baka maging sanhi ng kaguluhan dahil baka maging ang mamamayan ay hindi na kilalanin ang SC.
Naunang sinabi ni Aquino na hindi siya manunumpa bilang pangulo kay Corona bagkus ay mas nanaisin nitong manumpa sa isang barangay chairman ng Tarlac sa June 30.
Samantala, sinabi naman ni Corona na walang problema kung hind sa kanya manumpa si Aquino.
Aniya, wala rin problema kung ayaw siyang kilalanin ni Noynoy basta gagawin lamang niya ang kanyang tungkulin bilang punong mahistrado kasabay ang paniniguro na hindi siya maiimpluwensiyahan ng sinuman kahit ang nagluklok sa kanya na si Pangulong Arroyo.