MANILA, Philippines - Hihintayin ng Malacañang ang magiging kahilingan ng liderato ng Kongreso para magpatawag ng special session si Pangulong Arroyo upang masimulan na agad ang canvassing ng boto para sa presidente at bise-presidente.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo na ang liderato ng Kamara at Senado ang dapat humiling nito kay Pangulong Arroyo para magpatawag ito ng special session.
Sinabi pa ni Saludo na kailangan ang paghahanda ng Senado at Kamara para mag-convene na national canvasser ang Kongreso sa pagbibilang ng boto para sa presidente at bise-presidente sa nakalipas na May 10 elections.
Titimbangin din ng Palasyo kung nararapat na agad magpatawag ng special session para magsilbing national canvasser ang Kongreso lalo’t kailangan ang mahabang preparasyon ng bawat panel at kanilang mga abugado.
Magugunita na hiniling ni Senate President Juan Ponce Enrile na madaliin ang pagdaraos ng sesyon ng Kongreso upang makapagsilbi na sila bilang national canvasser.